YOU’RE MY BOSS
Antoinette Jadaone
Star Cinema
Ang problema ko
sa pelikula, wala akong masyadong mahugot na irony. Mababaw rin naman ‘yong mga
naunang rom-com ni Antoinette Jadaone pero kahit papaano ay merong puwedeng
pagtampisawan at namnamin. Halimbawa, ang mga mabibigat na maleta sa “That
Thing Called Tadhana” o ‘yong konsepto na walang pinipiling language ang puso
sa “English Only, Please”. Dito, merong ilang suggestion tungkol sa pagbo-boss
sa isang relasyon (o kung sino ang nagmamando, humihila) pero hindi ganap na
naitawid kung ito man ang gusto talagang tumbukin.
Ang mala-“The Devil
Wears Prada” ni Toni Gonzaga rito bilang Georgina ay driven ng kanyang career
bilang defense mechanism sa isang relasyon na hindi n’ya kayang i-manage.
Nakuha ko naman ito. Marami akong kaibigang ganyan na tinatawag nating “nagdadala”
ng isang relationship. Ang redeeming value ng pelikula ay nakaasa sa kung paano
magpapadala sa isang sitwasyon sa pag-ibig na helpless ka nang kontrolin. Ang
dating relasyon (JM de Guzman sa ilang maliit na eksena) ni Georgina,
halimbawa, ay mas tumagal sana kung hinayaan n’ya ang sarili na maging isang
subordinate. Baka mas malinaw itong nakarating sa akin kung medyo one-sided ang
pelikula (ginawa ito sa “That Thing Called Tadhana”) at hindi na sinubukan pang
mag-level up ng leading man. Siguro ay dahil Star Cinema ito at requirement ng
think tank na dapat ay mabigyan din ng kasing timbang na moment si Coco Martin
bilang isang assistant na si Pong (na tingin ko ay lumabis ang effort sa comedy).
Lampas kalahati na ng pelikula nang malaman natin kung bakit mababaw lang ang
kaligayahan ni Pong at kung bakit malaking bagay sa kanya ang kawalan ng
nag-aalaga sa babaeng kanyang minamataan. Halos kasing layo na ng Batanes ang
binabiyahe ng running time nang i-require nito sa manonood na tuluyang maintindihan
at kampihan din ang pinaghuhugutan ng lalaki sa love team.
May ilang bagay rin
naman akong nagustuhan kahit na hindi ko mahilamos ‘yong conflict ng pelikula
tungkol sa pagsisinungaling ng identity sa harap ng kliyente (hindi ko alam
kung mao-offend ako rito para sa mga Hapon). Nag-work sa akin ‘yong sincerity
noong maliliit ngunit brutal na detalye tungkol sa mga ex: ang aksidenteng
pagla-like sa bagong karelasyon ng ex, ang seen-zoned na sitwasyon, ang
pagpapanggap na ang lahat ay under control na at marami pang iba. Credible ang
mga feels dito, parang alam mong ‘sandamakmak na break-up na ang pinagdinaanan
ng kung sinumang sumulat nito. At bumawi naman si Coco Martin sa mga eksenang
nasa forte n’ya o ‘yong mga eksenang teary eyed s’ya. Salamat naman at hindi n’ya
kailangang papatakin ang kanyang mga luha upang maging epektibo sa drama.
Nandito pa rin
naman ang ilang boses ni Antoinette Jadaone. Katunayan, sa lahat ng kanyang
romantic movie, ang dalawang bida ay nagkakamabutihan kapag magkasamang
lumalabas ng Metro Manila (ang dalawang teenager sa “Relaks, It’s Just Pag-ibig”
papuntang Leyte, sina Mace at Anthony sa “That Thing Called Tadhana” papuntang
Sagada at ang couple sa “English Only, Please” noong papunta silang Cavite).
Hindi na masama ang kanyang mga drone shot sa Batanes kahit na tila nanginginig
ito sa screen. Ang execution sa dulo hanggang rumolyo ang end credits ay kanyang-kanya
at hindi sa Star Cinema. Kumbaga, klaro ang core n’ya kahit kailangan n’yang
magpalamon sa sistema. Pero babawiin ko ‘yang mga binanggit ko tungkol kay Miss
Jadaone at Star Cinema. Baka dumating ang panahon na kumprontahin n’ya na judgmental
ako at hindi naman kami close. Sabihin na lang natin na sa isang sulok ng
jampacked na sinehan (base sa monitor sa takilya sa Century City, isang ticket
lang ang hindi nabili at nasa harapan pa ito), nakitawa at nakikilig din ako
kasabay ng mga manonood.