Saturday, October 03, 2015

Kiliting Bakya

Chuva Choo Choo, the Musical

Produksyon: Stages
Libretto at Direksyon: George de Jesus III
Musika: Vehnee Saturno (na may karagdagang titik mula kina Doris Saturno at Tito Cayamanda)
Mga Nagsiganap: Joanna Ampil, Morrissette, Ross Pesigan, Edward Benosa, Jojo Riguerra, Via Antonio, Juliene Mendoza, Ron Alfonso at Jay Marquez

Isang linggo matapos mapanood ang Chuva Choo Choo, the Musical kasabay ng isang packed na audience sa bagong bukas na blackbox na theater na Powermac Center - Spotlight sa Circuit sa Makati, hindi ko po rin mapagpasyahan kung ano ang nararapat na adjective para rito. Nagtatalo ang isip ko kung ito ba ay jologs, masa, baduy o bakya. Hindi siguro jologs dahil mother fucker ito ng jejemon. Puwede sigurong masa pero masyadong politically correct at parang iba ang connotation. Baduy, parang masyadong 70’s ang vibe at parang mga sosyal lang ang nagsasabi nito, hindi mula sa mga kasamahan n’ya sa “ibaba”. Bakya siguro ang mas angkop. Puwedeng sabihin ng nasa itaas at puwede ring sabihin ng nasa ibaba (at gitna).

Aminin na natin, hindi sosyal ang mga awit na nilikha ni Vehnee Saturno na nagpasikat sa hindi na mabilang na singer sa bansa (mula kay Sarah Geronimo at Jay-R, hanggang kay Randy Santiago at Ariel Rivera). Bakya crowd ang una at huling target market nito kasehodang ingles-inglesan pa ang lyrics. Ganito rin naman ang mga awit nina Rey Valera at George Canseco noon. ‘Yon nga lang, wala pang masyadong hugot ang pagiging hindi mayaman noon kumpara ngayon. Halimbawa, kahit sa public school ka nag-aaral, mataas pa rin ang kalidad ng edukasyon at kayang makipagsabayan sa private. Ang state of the nation na naabutan ni Vehnee Saturno ay nag-uumpisa nang mag-deteriorate sa kung anuman ang meron tayo ngayon. Ang mga awit n’ya ang opium noong panahong in denial pa tayo sa kung ano ang kasasadlakan ng bansa kahit nangangamoy na ang pagkalugmok.

At biglang merong isang musical na magpapaalala sa atin ng experience ng “in denial” stage na ‘yan. Sustained ang kabakyaan level ng Chuva Choo Choo, the Musical mula sa unang kantang inawit (medley ng “Isang Lahi” at “Mr. Kupido”) na malakas magpahagip ng atmosphere ng mga singing contest noong 80’s. Kung hindi ako nagkakamali, “Isang Lahi” ang winning piece ni Regine Velasquez sa Bagong Kampeon noon. At hindi ito humupa. Ina-absorb mo pa lang, halimbawa, ang pinagdugtong na “Makapiling Ka Sana” at “Nag-iisang Ikaw” ni Louie Heredia, heto at paparating na ang “Sana Kahit Minsan” ni Ariel Rivera (na kahit s’ya mismo ay hindi alam ang dahilan kung bakit shirtless s’ya sa cover ng unang album). Hindi ko na sasabihin pa na kasali rin ang mga awit nina Jessa Zaragoza at Jaya.

Kung meron mang isang nawawala, ito ‘yong “Kahit Konting Awa” ni Nora Aunor para sa “The Flor Contemplacion Story” na alam nating tungkol sa isang OFW na binitay dahil sa akusasyong pagpatay sa kapwa n’ya DH sa Singapore. Hindi ko alam kung saan ito puwedeng isingit. O relevant ba itong isingit sa isang premise na wala namang planong maging seryoso. Ang mga bidang sina Dina (Joanna Ampil) at Darla (Morrssette) ay mag-ate na kinailangang magpanggap na gay bar impersonators bilang pagtakas sa pahapyaw na pagkakasaksi sa isang krimen. Light lang (o sa eksaktong salita ni George de Jesus mismo, “gaguhan”) ang treatment sa buong adventure ng magkapatid kasama ang kinakapatid na si Nenita (Ross Pesigan). Wala itong planong magpakalalim o magpaka-socially relevant. Ni hindi nito nagawang mag-umpisa ng diskurso tungkol sa mga ills ng society, isang dakilang escapist na palabas na wala kang ibang gagawin kundi umupo, manood at palipasin ang weekend na parang wala nang Lunes. Kung puwede nga lang i-require ng Stages na pumunta ang manonood sa kanilang pinaka-tambay o pambahay na OOTD, ginawa na ito.

At lahat ginawa ni George de Jesus na ma-sustain ang gaguhan sa musical. Gamit na gamit ang pagka-Brechtian dito bilang pag-amin ng limitasyon ng buong produksyon (ni wala ito sa kalahati ng pagkagarbo ng ilang lokal na musical). Ang mga lalaking nakasandong itim na tagaayos ng set ay lumalabas din minsan bilang macho dancer at kung anu-ano pa. Natutulog din sila minsan sa kabinet (na bahagi ng malaking arko ng stage design ni Tuxqs Rutaquio) kung saan kinukuha ng cast ang ilang props. At hindi lang limitado sa stage design ang pagbali sa tinatawag na fourth wall. Sa isang pagkakataon, pinansin ni Darla ang areglo ng isang kanta. “Wow, guitars!” Pero kahit na nasa ganitong deliberate na focus ang dula, hindi naman ito nagkulang sa ilang bagay lalo na sa script. Sa isang banda, may maliit na anggulo ito ng Frozen ng Disney (isa pa ring pop culture reference) tungkol sa mag-ate rin na nanlamig sa isa’t isa. Bahagi ng pagyeyelo ng puso ni Dina ang pagdududa sa loyalty ng dating kasintahan na si Tonton (Jojo Riguerra). Ito ring pagdududa na ito ang tuluyang nawala nang marinig ng mga bida ang isang putok ng baril. Maging ‘yong impersonation ay may gustong i-suggest tungkol sa therapy na kailangang pagdaanan ng isang taong nawawala ang pagkatao dahil sa heartbreak. Si Zsazsa (Juliene Mendoza) na may sariling pasan na daigdig sa pagpapaaral sa kapatid na si Zandro (Edward Benosa) ay nagiging “tao” lang sa apat na kanto ng kanyang mina-manage na gay bar.

Masayang mapanood si Joanna Ampil sa isang Wenn Deramas na karakter. Maraming pagkakataon na ang kanyang peg ay ang ilang karakter noon ni Maricel Soriano sa Regal. Minsan ay meron pa rin akong disbelief. Heto ang aking Fantine (sa Les Miserables na napanood ko noong 2015) na bumaba mula langit at punung puno ng wit na gawin ang isang karakter na bumebenta sa panlasa ng nakakaraming Pinoy. Kasama ni Morissette, kailangan lang sigurong pakintabin pa ‘yong baklang karakter nila sa paraang hindi nag-uumapaw o mukhang binabakla lang. Pero sinong magrereklamo sa lahat ng kanilang song number? Ang blending, ang bigayan ng high notes, ang enthusiasm na awitin ang mga awit ni Vehnee Saturno. Gusto ko rin ang kalmadong ilog dito ni Juliene Mendoza (na hindi rin ako makapaniwala minsan na ito ang Romeo na napanood ko sa Romeo at Juliet nila ni Harlene Bautista sa Metropolitan Theater noong late 90’s). Pinapanatili n’yang grounded ang dula. Naka-deliver din si Edward Benosa sa lahat ng hinihinging requirement ng dula sa kanya. Makulit ang mga dance number ni Ross Pesigan at pleaser ang kanyang pagka-flesh out sa karakter. Iniisip ko paminsan-minsan na para sigurong Nar Cabico o Ricci Chan ang hinihinging peg pero binigyan naman n’ya ng sariling dimension si Nenita. Kailangang trabahuhin pa ni Jojo Riguerra ang timing sa comedy at kailangang mapawi n’ya ang pagkakaba ko kapag masyadong mataas ang kanta kahit naitawid naman n’ya lahat. Kamukha ng ibang nanood noong gabing ‘yon, aliw na aliw rin ako sa pitong karakter ni Via Antonio. Ang kanyang solo number na “Dadaanin Ko Na Lang sa Kanta” (na pinasikat ng kiddie group na14K) ay sulit na upang upuan ang iba pa n’yang incarnation (paborito ko ‘yong tomboy na buma-bounce kapag inaasar ang isang impersonator). Kahit na sahog lang sina Ron Alfonso at Jay Marquez dito, nagawa naman nilang maka-contribute sa pagka-solid ng walong bumubuo ng ensemble. Walang koro, walang live band. Walo lang ang kinakailangan na sinahugan ng maayos na blocking upang makarating sa akin ang musika ng isang maestro.

Naalala ko dati ‘yong isang Christmas Party presentation naming mga newbie sa isang multi-national na IT company. Kinuha namin ang plot ng Meteor Garden at ginawang musical gamit ang mga usong kanta noon. Minsan, for the sake na meron lang makanta kahit walang context. Halimbawa, nagutom ang magkakaibigan sa skit at bilang maghahanap ng spaghetti. Dito biglang papasok ang sikat na spaghetti dance ng Sexbomb Dancers noon. Bumenta ang pedestrian humor namin sa crowd ng mga IT consultant. May ganitong pagkakuwela ang kiliting gustong ilatag ng Chuva Choo Choo, the Musical. Sa isang eksena, naalala ni Dina ang kanyang namayapang ama. Umalis s’ya sa kanyang spot at sinalubong ang isang matanda na nagbibihis ng barong na pamburol. Tinulungan ito ni Dina na maikabit ang lahat ng butones. At rumagasa s’ya sa kantang “’Til My Heartaches End” ni Ella Mae Saison nang walang kaabog-abog. Walang busina at hindi s’ya prumeno. Nasa ganitong vision ng pagkabakya ang musical. Huhusgahan ka kung gustung gusto, gusto lang o hindi talaga ang mga awit ni Vehnee Saturno.

Sunday, August 02, 2015

Ilang Bagay na Naiuwi Ko Hanggang sa Pagtulog Matapos ang The Music of Rey Valera


Full house ang The Theater at Solaire kagabi sa tribute concert para kay Rey Valera. Sabi ni Maestro Gerard Salonga (konduktor ng ABS-CBN Philharmonic Orchestra), 12 araw bago ang palabas, sold-out na raw ito at iniisip nila kung paano magkaroon ng repeat. Nagpasalamat s’ya sa mga patron ng orchestral music na pumuno ng venue. Kumportable naman ako sa crowd. Hindi ako na-intimidate. Parang from all walks of life ang demographic. May mukhang doktor. May mukhang lumuwas pa mula probinsya. May naka-suit. At may ilang madalas kong makita sa mga theater event. Pero maliban sa tao (na madalas kesa hindi ay subject ng mga awit ni Mr. Valera), heto pa ang ilang bagay na naiuwi ko hanggang sa pagtulog:

1. Masarap talagang awitin ang Lupang Hinirang kapag merong live na orchestral music. At doon ko lang napansin na ang mga cellist pala ay hindi kailangang tumayo bilang pagpupugay. Art muna, bago ang bayan;

2. Mukhang napag-aralan ang acoustics ng venue. Ang ticket ko, halimbawa, ay nasa ikatlong row pero hindi ito ang pinakamahal. Siguro ay mas optimized ang listening experience kung medyo nasa may gitna. Hindi ko matandaan na ganito ang Tanghalang Nicanor Abelardo sa CCP at Meralco Theater pero baka naman mali ako;

3. Walang binebentang program pero sa hindi maipaliwanag na dahilan ay madali ko namang nai-associate ang mga kanta. Maliban sa tatlong number: Don’t Let Your Woman Cry at Hello na parehong kinanta ni Edgar Allan Guzman at Manghuhula ni Tippy Dos Santos. Respeto kay EA dahil lesser known songs ang kinanta n’ya at kay Ms. Dos Santos dahil sa karagdagang choreography sa number n’ya na swing ang areglo. Sampung Pogi Points naman sa direktor ng palabas (kung sino man s’ya bilang wala ngang program), na habang kinakanta ni EA ang linyang “Hello” sa pagtatapos ng kanta ay s’ya namang pasok ni Ms. Dos Santos sa stage. Sinundan agad ito ng isang duet version ng “Naaalala Ka” (na fresh at maganda rin ng areglo);

4. Ang pinaka-surpresa siguro sa gabing iyon ay ang “operatic novelty” number ni Arman Ferrer (credited by the Maestro as “Antonio Ferrer”), isang tenor (na huli nating nakita sa Mabining Mandirigma ng TP), na kumanta ng “Ayoko Na Sa ‘Yo”. Ang intro ng kanta ay parang ni-recycle na tono mula sa mga bull fight theme sa Spain na sinahugan ng babaeng flamenco dancer bilang “object of desire” ng mang-aawit. Ang drama, tukso ang babae at kunyari ay iniiwasan ito ni Mr. Ferrer. “Sinong tinakot mo, ako ba? Lalake yata ako.” Malinis ang boses, walang pagkurap sa kakaibang areglo ng kanta at pumaibabaw bigla ang versatility ng pagiging musikero ni Mr. Valera;

5. Ang ikalawang surpresa siguro, at least para sa akin, ay ang talent ni Michael Pangilinan. Binigyan s’ya ng acoustic number (Cesar Aguas sa gitara) ng kantang Walang Kapalit. Kung meron man akong runner-up sa 10 Best OPM Songs of All Time kasabay ng Minamahal Kita ni Freddie Aguilar, ito na siguro ‘yon. Malakas ang hugot. Mayaman sa emotion. At ganitong ganito ang ginawa ni Mr. Pangilinan sa kanta. Hugot. Emotional. Naramdaman ko ‘yong bigat. Naramdaman ko ‘yong panunuyo. ”Huwag mo lang ipagkait na ikaw ay aking mahalin.” Manonood na talaga ako ng musical version ng Kanser @ 35 ng Gantimpala bilang s’ya ang gaganap na Crisostomo Ibarra;     

6. Love her or hate her singing style. ‘Yan ang verdict ko sa contribution ni Vina Morales sa OPM. Pero sa gabing iyon, na-appreciate ko ang kanyang Malayo Pa ang Umaga at ang inaasahan ng lahat na Pangako Sa ‘Yo sa maraming bagay. Una, naramdaman ko ‘yong joy n’ya na mabigyan ng pagkakataon na ma-cover ang mga awit ni Rey Valera. Ikalawa, na-capture n’ya ‘yong hinihinging drama ng mga soap opera, isang pruweba na ang mahuhusay na singer ay puwedeng maging mahusay na aktres. At ikatlo, props talaga sa kalibre ng kanyang boses na distinct. Walang pinagkaiba ang kanyang live performance sa kung ano ang na-record;

7. Isa sa dalawang number na orchestral music lang (walang singer) ay ang Kung Tayo’y Magkakalayo. Dalawang cello,  isang piano. Kinilabutan ako. At halos mabasa ang mata ng luha. Nakakalungkot nga ‘yong kanta kahit walang lyrics. Kudos sa areglo ni Gerard Salonga;

8. May dalawang insidente kagabi na may kinalaman sa boobs. Una, si Rico J Puno na galing sa isang operation kung kaya’t may excuse sa mga notang nahihirapan s’yang abutin (at sa tuwing nangyayari ito ay pinapakiusapan n’ya ang mga tao na magpalakpakan). Habang kinakanta ang ikatlong kanta n’ya (Sorry Na, Puwede Ba), umupo s’ya sa harapan ng stage. Sa isang pagkakataon, may dalawang babae sa harapan ang nais magpa-picture. Please note na tuluy-tuloy pa rin ang kanyang pagkanta. Ang isang babae ay mas matanda at ang isa naman ay medyo bata pa. Sa pamamagitan ng body language sa pagitan ni Mr. Puno at ng dalawang babae, mukhang napagkasunduan ang picture taking. Nauna ang mas matanda. Sabi ni Mr. Puno: “Akala ko naman, ‘yong bata ang magpapa-picture”. Umugong ang tawanan. Siguro dahil napilitan ang mas bata, nagpa-picture na rin ito. At siniguro ng OPM icon na nakatingin ito sa suso ng babae at hindi sa camera mismo. Nag-comment pa ito, bagama’t pabulong, ng “Ang laki.” Ang ikalawang boob incident naman ay kasama si Megastar Sharon Cuneta. Matapos kantahin ang Mr. DJ ay naghanap s’ya ng doctor sa audience. Noong una, akala ko eh merong emergency na nangyayari sa backstage. May isang doktor, babae, ang tumayo at pumunta sa stage. Inalalayan ni Mega ang doktor papunta sa backstage. Kita ko mula sa kinauupuan ko na parang nagtago si Mega sa isa sa malalaking kurtina. Wika n’ya gamit ang mic, “Not you, Martin (Nievera). Stay away fro me. Ngayon, doc, please put your hand inside my bra. Pakikapa ho kung totoo. Are they real?” Sumagot ang doktor, “Yes, they are real.” Halos mahulog ako sa inuupuan ko. Kunsabagay, it takes a Megastar to do anything you want to do onstage. Matagal-tagal ko ring inisip kung anong subtext ng totoong suso sa mga kanta ni Mr. Valera. Siguro, kung utong lang ang OPM, tayong tayo ito;

9. Wala naman akong nakitang flaw sa mga rendition ni Martin Nievera maliban siguro sa isang linya na na-miss n’ya ang lyrics. Pero wala rin akong makita na sobrang outstanding ito. Sigurado akong nakita ko na dati ang kanyang greatest performances. Madali lang itong i-assess. Hindi talaga s’ya kumportable sa mga kantang tagala ang pananagalog. Pero sure he did his best;

10. Balik tayo kay Mega, ang huling performer ng gabi na nararapat lamang dahil sa kanyang affiliation kay Mr. Valera, tatlo rin ang kanyang kinanta. Mr. DJ nga na sobra kong nagustuhan dahil kasama pang “kinanta” nang live ang narration part sa may dulo. “Hello, Mr. DJ. Hi! Puwede ba akong mag-request? Yeah. ‘Yon bang kantang gustung gusto ko. Oo! Thank you.” Vocally, ang number na ‘yan ang pinaka-relax s’ya at mukhang overjoyed. Ang kanyang Kahit Maputi na ang Buhok Ko ay malakas ding maka-throwback pero sa Tayong Dalawa n’ya ako tinamaan kahit na evident ang struggle sa palitan ng totoong boses at falsetto. Was she crying after doing the song? Parang eh. Sabi n’ya, first time daw n’yang ginawa nang live ‘yong kanta dahil mahirap daw ito, not to mention na masakit kantahin bilang theme song ito ng movie nila ni Gabby Concepcion;

11. Ang Sinasamba Kita (lyrics lang si Rey Valera rito, si George Canseco talaga ang kompositor) ni Morissette Amon ay for the books din. Mahusay naman talaga ang batang ‘yan. Naging birit song ‘yong kanta. Hindi ko alam kung paano at saan nanggaling pero basta na lang lumipad nang pagkataas-taas. Well, doon sa tribute para kay Mr. C, scene-stealer din ang kanyang Sometime, Somewhere;

12. Tingin ko, kung susumahin, nag-peak ang magic hour ng OPM sa gabing iyon nang dalawang beses. Ang unang peak ay ang unang number na si Rey Valera mismo ang kumanta (Kumusta Ka). Kakaiba talaga ang humility ng artist na ito. Wala akong nakitang ere sa katawan sa kanyang stage presence. Kung anong nakikita ko sa mga songhits noon eh ganito pa rin. Sana mag-radiate ang kanyang kababaang loob sa mga artista ngayon. Kahit konti. Ang ikalawa ay ang finale song kung saan pinabalik s’ya sa stage, binigyan ng gitara at sumabay kasama ang lahat ng performer sa gabing iyon. Pero bago pumlakda ang unang tunog ng gitara, nagpalitan muna ng mahabang asaran sina Mega, Rey Valera at Rico J Puno (habang nakikitawa naman ang mga bagong mukha ng OPM). At some point, naisip ko na kahit hindi na kumanta ang mga ito. Kahit panoorin ko na lang sila sa kani-kanilang pedestal na kumportableng ninamnam ang anumang kanilang kinalalagyan sa larangan ng musikang Pilipino. Hirit ni Rey Valera, “Itong si Rico, hindi ko alam kung bakit ito tinanggap. Dahil ba gusto n’ya akong parangalan o dahil kailangan ng pambayad sa pinampaospital.” ;

Attempt sa Paglilista ng 10 Greatest OPM Songs of All Time


Heto 'yong katuwaang entry ko sa poll na The 10 Greatest OPM Songs of All Time na pakulo ng Diva Madness:

1. Walang Hanggang Paalam (Joey Ayala)

Pakinggan sa  Youtube

Sa totoo lang, wala namang totoong pag-ibig na namamatay. Maaaring nagkahiwalay o nagkalayo pero bahagi na ito ng sistema. Kumbaga, wala namang nagpapaalam talaga. Hugot song ito kung kailan dinidibdib pa natin ang hiwalayan at hindi tinatratong isang rom-com. Pero sa kakaibang evocation ng kanta sa akin, parati kong iniisip na ang kumanta nito ay nasa isang kilusan, sa bundok (siguro dahil gitara lang ang ginamit), at ang inaalayan ng kanta ay isang kasintahan na piniling mamuhay sa bayan.

2. Nais Ko (Ryan Cayabyab)

Pakinggan sa Youtube

Parati ko itong naririnig sa mga amateur singing contest noong bata ako. Kumbaga, ito ang Rataouille ko. Malakas makapagpabalik ng childhood. At sino naman ang hindi mabilis na makukuha ng kantang ito sa intro pa lang? Sigurado akong wala pa akong narinig na kanta na ganito ang areglo, Pinoy man o hindi. Bonus na lang na ang lyrics nito ay tungkol sa sarili at tungkol sa kalayaan ng sarili na gawin ang kahit anong bagay.

3. Buksan (George Canseco)

Pakinggan sa Youtube

Melodrama ba ang gusto mo? Heto. Narito lahat, nagdurugo mula sa isang pusong namamalimos ng kalinga. Sabihin na nating madrama naman halos lahat ng mga isinulat ni Geoge Canseco pero sa kanta yatang ito nag-peak ang tinatawag na unrequited love. Hindi naman talaga hiningi ng umawit ang buong puso, isang sulok lang nito ang gustong pagtaguan. Eh paano pa kung ang inspirasyon nito ay ang mentally ill na karakter ni Tonton Gutierrez sa “Saan Nagtatago ang Pag-ibig”? Oo, si Val nga. Si Val na walang malay.

4. Minsan (Ely Buendia)

Pakinggan sa Youtube

Marami akong gustong Eraserheads song pero ito ang hindi ko makalimutan. Siguro, noong napakilala sa akin ang kantang ito, na-realize ko na taxing talaga ang college lalo na’t papalit-palit ang care group mo. Hindi kamukha ng high school, steady lang ang barkada mo. Sa college pala, para ka lang lumabas ng shell mo, nakisalumuha ng ibang tao at bumalik din sa loob ng shell na walang emotional investment. Parang gustong ipamukha noong kanta na ang tao ay magbabago at ang mga taong kasama-sama mo ngayon ay baka stranger na sa ibang panahon.

5. Pag-uwi (Louie Ocampo)

Pakinggan sa Youtube

May ilang kanta na ring ginawa si Louie Ocampo tungkol sa mga OFW pero kakaiba ang lyrics na isinulat ni Joey Ayala rito. Mas nasagap ko itong anthem ng isang taong bagama’t may personal na intensyon na maghanap-buhay para sa pamilya, mas nangingibabaw pa rin ang kanyang pangungulila sa bayan. Sa kabilang dako, nakita rin natin ang kakayahan ni Martin Nievera na hilahin ang vocal chord sa ilang falsetto na kailanman ay hindi nakakalunod o nakakaagaw ng atensyon.

6. Huwag Masanay sa Pagmamahal (Jim Paredes)

Pakinggan sa Youtube

Ewan ko pero naging Pambasang Awit na yata ito ng puso kong single. Novelty s’ya bilang sinahugan ng mga madramang palitan ng linya nina Sharon Cuneta at Edu Manzano na nagsa-suggest ng dalawang bagay: (1) domestic violence at (2) mga drama sa AM radio. Siyempre hindi ko agad nakuha noon na posibleng advocacy ito ng woman empowerment (kung kelan hindi pa masyadong uso ang political correctness). Ang alam ko lang, merong isang kanta na handang magbigay ng comfort sa akin kung sakaling hindi na ako naniniwala sa pag-ibig.

7. Dear Paul (Barbie Almalbis)

Pakinggan sa Youtube

Ito ‘yong panahon na ang mga acoustic guitar song ay hindi pa “cover” at nariyan lang upang maglatag ng isang kalmadong dagat sa kabila ng delubyo. Masarap pakinggan tuwing umuulan, may kapiling o wala. ‘Yong tipong kahit isang mainit na kape lang ang karamay, naka-sweatshirt at nakatanaw sa bintanang dinadaluyan ng tubig-ulan.

8. Sa Aking Pag-iisa (Janno Gibbs)

Pakinggan sa Youtube

Marami ring Regine Velasquez song ang hindi puwedeng palampasin kapag OPM ang pinag-uusapan, mula “Promdi” at “Babalik Kang Muli” hanggang “Dadalhin” at “Kailangan Ko’y Ikaw”. Pero sa underrated composition na ito ni Janno Gibbs ako na-hook. Siguro dahil nagbago nang konti ang timpla ng mga ballad ng Asia’s Songbird sa kantang ito, mula sa areglo hanggang sa pagtalon sa kontroladong birit.

9. Habang Atin ang Gabi (Jay Durias)

Pakinggan sa Youtube

Palasak sa R&B sa landscape ng OPM na hindi maiiwasang maiangkas sa Western counterpart nito. Ang beat, ang areglo, ang mga remix, karamihan ay imported ang timpla. Sa chill na theme song na ito mula sa pelikulang “Minsan Pa” ni Jeffrey Jeturian (na ang lyrics ay sinulat mismo ng scriptwriter na si Bing Lao) nagbago ang paningin at pandinig ko.

10. Nakapagtataka (Jim Paredes)

Pakinggan sa Youtube

Karamihan sa mga classmate ko noong high school na kapit-patalim sa relasyon ay hindi nagsasawa sa kantang ito na noon ay ni-remake ni Rachel Alejandro. Moving on song talaga ito, isang therapy kapag hindi na maabot ng ulirat ang hiwa sa puso. Gusto ko ‘yong attempt n’ya na i-articulate ang lahat ng heartache sa kabila ng mga kabiguan. May argument din tungkol sa puso laban sa isip, na ang totoong “picking up the pieces” ay kung kelan nagme-make sense na ang lahat, kung kelan ka umpisang magtaka. “Kung tunay tayong nagmamahalan, ba’t ‘di tayo magkasunduan?”

Saturday, April 04, 2015

Walang Masyadong Mahugot


YOU’RE MY BOSS
Antoinette Jadaone
Star Cinema

Ang problema ko sa pelikula, wala akong masyadong mahugot na irony. Mababaw rin naman ‘yong mga naunang rom-com ni Antoinette Jadaone pero kahit papaano ay merong puwedeng pagtampisawan at namnamin. Halimbawa, ang mga mabibigat na maleta sa “That Thing Called Tadhana” o ‘yong konsepto na walang pinipiling language ang puso sa “English Only, Please”. Dito, merong ilang suggestion tungkol sa pagbo-boss sa isang relasyon (o kung sino ang nagmamando, humihila) pero hindi ganap na naitawid kung ito man ang gusto talagang tumbukin.

Ang mala-“The Devil Wears Prada” ni Toni Gonzaga rito bilang Georgina ay driven ng kanyang career bilang defense mechanism sa isang relasyon na hindi n’ya kayang i-manage. Nakuha ko naman ito. Marami akong kaibigang ganyan na tinatawag nating “nagdadala” ng isang relationship. Ang redeeming value ng pelikula ay nakaasa sa kung paano magpapadala sa isang sitwasyon sa pag-ibig na helpless ka nang kontrolin. Ang dating relasyon (JM de Guzman sa ilang maliit na eksena) ni Georgina, halimbawa, ay mas tumagal sana kung hinayaan n’ya ang sarili na maging isang subordinate. Baka mas malinaw itong nakarating sa akin kung medyo one-sided ang pelikula (ginawa ito sa “That Thing Called Tadhana”) at hindi na sinubukan pang mag-level up ng leading man. Siguro ay dahil Star Cinema ito at requirement ng think tank na dapat ay mabigyan din ng kasing timbang na moment si Coco Martin bilang isang assistant na si Pong (na tingin ko ay lumabis ang effort sa comedy). Lampas kalahati na ng pelikula nang malaman natin kung bakit mababaw lang ang kaligayahan ni Pong at kung bakit malaking bagay sa kanya ang kawalan ng nag-aalaga sa babaeng kanyang minamataan. Halos kasing layo na ng Batanes ang binabiyahe ng running time nang i-require nito sa manonood na tuluyang maintindihan at kampihan din ang pinaghuhugutan ng lalaki sa love team.

May ilang bagay rin naman akong nagustuhan kahit na hindi ko mahilamos ‘yong conflict ng pelikula tungkol sa pagsisinungaling ng identity sa harap ng kliyente (hindi ko alam kung mao-offend ako rito para sa mga Hapon). Nag-work sa akin ‘yong sincerity noong maliliit ngunit brutal na detalye tungkol sa mga ex: ang aksidenteng pagla-like sa bagong karelasyon ng ex, ang seen-zoned na sitwasyon, ang pagpapanggap na ang lahat ay under control na at marami pang iba. Credible ang mga feels dito, parang alam mong ‘sandamakmak na break-up na ang pinagdinaanan ng kung sinumang sumulat nito. At bumawi naman si Coco Martin sa mga eksenang nasa forte n’ya o ‘yong mga eksenang teary eyed s’ya. Salamat naman at hindi n’ya kailangang papatakin ang kanyang mga luha upang maging epektibo sa drama.

Nandito pa rin naman ang ilang boses ni Antoinette Jadaone. Katunayan, sa lahat ng kanyang romantic movie, ang dalawang bida ay nagkakamabutihan kapag magkasamang lumalabas ng Metro Manila (ang dalawang teenager sa “Relaks, It’s Just Pag-ibig” papuntang Leyte, sina Mace at Anthony sa “That Thing Called Tadhana” papuntang Sagada at ang couple sa “English Only, Please” noong papunta silang Cavite). Hindi na masama ang kanyang mga drone shot sa Batanes kahit na tila nanginginig ito sa screen. Ang execution sa dulo hanggang rumolyo ang end credits ay kanyang-kanya at hindi sa Star Cinema. Kumbaga, klaro ang core n’ya kahit kailangan n’yang magpalamon sa sistema. Pero babawiin ko ‘yang mga binanggit ko tungkol kay Miss Jadaone at Star Cinema. Baka dumating ang panahon na kumprontahin n’ya na judgmental ako at hindi naman kami close. Sabihin na lang natin na sa isang sulok ng jampacked na sinehan (base sa monitor sa takilya sa Century City, isang ticket lang ang hindi nabili at nasa harapan pa ito), nakitawa at nakikilig din ako kasabay ng mga manonood.

Sunday, March 29, 2015

Ilang Epiphany sa Sinag Maynila 2015


Parang nagpapahiwatig na merong magaganap na pagsisisi nang hindi agad lumabas ang mga maleta sa NAIA Terminal 2 isang tanghali noong March 20, Biyernes ‘yan. Hindi naman nakakagulat na matagal talagang maganap ang “arrival” sa airport na ‘yon dahil madalas na pinagsasama nila ang mga bagahe ng dalawa o tatlong eroplano sa iisang conveyor belt. Sa kaso ng paglapag ko sa araw na ‘yan, merong galing Osaka, Nagoya at Narita (Tokyo). Tumagal ng mahigit isang oras ang buhos ng mga bagahe. Nagkapalit daw ang bukana na napagdalhan ng luggage na sinelyuhan naman ng anunsyo ng delay para sa “technical reason”. Kung ano man ‘yan, si Lucio Tan lang ang nakakaalam.

Hindi pa riyan natapos ang premonition. Bilang Biyernes yata (madalas na Sabado o Linggo ako dumarating), madalang din ang mga demetrong taxi sa labas. Gutom, pagod, puyat (mula sa isang flight na kailangang mag-set ng alarm na kasing aga ng alas-4 ng umaga). Dinikdik pa ako lalo ng trapik sa pagitan ng Resorts World at NAIA Terminal 3 dahil sa ginagawang kalsada roon. Halos papalubog na ang araw nang baybayin ni manong ang Skyway. Sumuko na lang ang katawan ko sa ganda nito at sa katotohanang nasa Pilipinas na ako ulit habang mahinhing nag-uunahang umusbong ang sakura sa Japan.

Madali lang mag-plot ng schedule sa Sinag Maynila. Limang pelikula lang ang paulit-ulit at papalit-palit na ipinapalabas sa pitong branch ng SM Cinemas (SM Aura ang pinaka-convenient sa akin). At the minimum, isang buong araw lang ang kailangan para ma-marathon lahat ng kalahok (na balita ko ay handpicked daw mula sa pinagsanib na puwersa nina Brillante Mendoza at Wilson Tieng ng Solar Entertainment Corporation). Kung line-up lang ang huhusgahan, walang itulak-kabigin sa mga pangalang Remton Zuasola, Paul Sta. Ana, Zig Dulay, Lawrence Fajardo at Jim Libiran. Lahat sila ay naging kalahok na sa ibang festival at hindi na masyadong donselya sa ganitong kalakaran.

Sa kabuuhan, hindi naman ako masyadong nanghihinayang na pinalampas ko ang taunang pamamayagpag ng cherry blossoms kapalit ang pagkakataon na mapanood ang limang pelikula. Wala akong issue sa programming. Tingin ko, nabigyan lahat ang pelikula ng hinihinging patas na exposure sa kabila ng kawalan ng kapit nito sa malalaking TV station. Marami pa itong kakaining bigas kamukha ng pagkakaroon sana ng film talk sa ilang screening at ang pagbuo ng audience kung saan malaya itong magkikita-kita at magkukumustahan.

Ilang tala (ayon sa pagkakasalinsin ng panonood):
  
Swap (Remton Zuasola) Hindi ako masyadong nakuha ng sophomore attempt n’ya sa feature length (“Soap Opera” para sa Cinema One Originals noong isang taon). Dito sa kanyang ikatlo, parang tuluyang nabasag ang banga bilang maingay ako sa pamamayagpag noon ng kanyang mga short film at unang feature length. Pero sinasabi ko ito na, kamukha ng iba, may panghihinayang at walang bahid ng pagkainis. Given na sigurong pansinin pa na masyadong ambisyoso ang pangarap ni Remton sa “Swap”. Naalala ko ‘yong sinabi dati ni Lars von Trier sa kanyang “Dogville” (2003) tungkol sa pagtanggal ng filter sa isang pelikula at kung paano tatanggapin ng audience ang ganitong eksperimento. Halos nasa isang malaking warehouse lang ang binuong maliit na community ni Lars sa nasabing pelikula. Ang espasyo ng fruit stand, halimbawa, ay tila ginuhitan lang ng chalk at halatang ginamitan ng hindi natural na ilaw ang bawat eksena. Confident ang direktor na makakarating pa rin sa audience ang struggle ng isang babae (Nicole Kidman) kahit na sinasadyang peke ang ginagalawan nitong set. Nasa ganitong vision ang “Swap”. Ang ginamit ay isang location lang din na tila warehouse habang sinusundan ng isang pasada ng camera ang mga kaganapan, flashback man, split screen o dream sequence. Ang tema: tungkol sa isang kidnapping case na ayon sa credits ay base raw sa totoong pangyayari.

Hindi umobra ang pagsasabong ng ambisyosong storytelling device at ang real life drama. Ang una, puwede pang matanggap dahil bibihira ang mga filmmaker na merong ganitong boses. Sa kaso ng “Dogville”, ang tema na tinalakay ni Lars ay madali lang maabot na sa kabila ng dark undertone ng materyal ay merong naghuhumiyaw na suhestiyon na kasing babaw lang ito ng mga plot ng teleserye. Ang kidnapping sa “Swap” ay hindi ganito kabilis maabot. Hindi pa nakatulong na hindi malinaw ang ilang detalye sa kaso ng tatay na ninakawan ng anak bilang pamalit sa anak ng among mayaman. Kung ang subject ay inihulma naman sa kumbensyonal na storytelling, maaari pa sigurong gumana pero baka masyado nang simple ito para kay Remton. Tuluyang gumuho ang pelikula nang hindi nakatulong sa pag-usad ang akting ng ilang prime actors na kasali rito. May ilang continuity issue rin at may ilan naman na halatang naiilang ang execution dahil wala nang pagkakaton na ulitin pa ang take.

Ninja Party (Jim Libiran) Kailangan kong silipin ang coffee table book ng Tanghalang Pilipino upang makasiguro kung kailan ko napanood ang staging nila ng “Lysistrata” na ginanapan ni Irma Adlawan. Ang natatandaan ko lang, ang buong stage ay punung puno ng mga naghuhumindig na phallic symbol bilang patungkol sa tema nito na figuratively ay hawak ng kababaihan ang “sandata” ng kani-kanilang mga asawa. Kung mamarapatin pa, nasa ganitong dominasyon ang magdidikta ng giyera sa nasabing Greek comedy ni Aristophanes.

Sa unang 15 minuto ng “Ninja Party”, malinaw na ipinakita ang apat na highschool girls dito (remarkable performance mula kina Annicka Dolonius, Julz Savard, Elora Espano at Bea Galvez) ang parallelism sa mga karakter ng “Lysistrata”. Ang apat ay may sariling mababaw na supresyon sa isang exclusive school sa kabila ng assurance na kayang kaya nilang imanipula ang bayag ng mga lalaki. Isang drive upang mapaniwala ako na kung kaya nilang ipuhunan ang pagkababae upang mangibabaw sa mga lalaki (casual date sa harap ng convenience store, blowjob sa kotse, pagho-host ng party, atbp.), kaya rin nilang himasin ang inilatag na “giyera” ng school principal na si Odette Khan (na tingin ko ay hindi masyadong nakatulong upang pakapalin ang terror).

Ang una kong impresyon, walang masyadong gustong tumbukin ang pelikula. Bagama’t isang level-up ito mula sa dalawang feature length ni Jim Libiran tungkol sa mga nakaapak (“Tribu”) o nasa ilalim (“Happyland”) ng poverty line at nagawa n’yang kapani-paniwala ang rapport ng mga elitistang bidang babae (na bihirang makita sa Philippine cinema), mistulang mababaw lang ang pinupuntong supresyon dito. Sa katunayan, hindi lang ito mababaw. Hindi rin nila ito kayang pagtagumpayanan (na kabaliktaran ng mga protagonist sa “Lysistrata”). Ang mga magulang din nila mismo ang nagwawalis ng kanilang kalat. Sa parteng ito, gusto kong isipin na statement ito tungkol sa community sa upper class na talagang mababaw lang ang kanilang mga concern sa buhay, na ang kanilang bersyon ng supresyon ay walang kasing selfish, at ang pagtawid dito ay masyadong self-serving at wala nang ibang mas malawak na makikinabang. Hindi ito kamukha ng mga rally sa kalye na maaring magbunsod ng pagsusulat ng bill sa kongreso o magkaroon man lang ng kamalayan sa publiko. Ang napapaligaya lang ng mga bidang babae rito ay ang kanilang libido. Valid man ang observation na ito o hindi, malinaw sa akin ang statement ng direktor.  

Bambanti (Zig Dulay) Ito na siguro ang pinakamadaling maabot sa mga isinulat o idinirehe ni Zig Dulay. Tungkol ito sa Solomonic na pagmamahal ng isang biyuda at mahirap na ina (outstanding perfomance mula kay Alessandra de Rossi) sa kanyang anak. Pinasunod nito ang audience na abangan ang mga kaganapan ng kaso tunkol sa nawawalang relo at ang kahihinatnan ng hustisya at konsensya. Bilang ito ang pinaka-polished na naidirek ni Zig, masasabi kong mas umangat ang kanyang pagiging direktor dito kesa pagiging manunulat. Kung may nakita man akong clever sa materyal dito, ito ‘yong pagbuo ng comparison sa moralidad ng isang pamilyang walang ama at mahirap, at isang pamilyang kumpleto subalit mayaman. Hindi ako magugulat na marami ang magkakagusto sa pelikula dahil madali itong sundan at mahalin sa paraang inaabangan natin ang mga kaganapan ng isang panggabing soap opera. Mas humihinga lang ang mga karakter dito. Sa isang eksena, halimbawa, kung saan tinanong ng mga anak ang illiterate na ina kung anong mas makabuluhan sa pagitan ng “times” at “addition”, gumawa ito ng palusot at sinabing ‘wag abalahin ang kanilang ina kapag nagtatrabaho. Para sa akin, ang performance pa lang dito ni Alessandra de Rossi ay sapat na para masulit ang ibinayad na ticket. Gusto ko rin ang binuong picture tungkol sa community sa malayong probinsya, na ang isang maliit na kaso ng nawawalang relo ay sapat na upang mabulabog ang katahimikan nito at hamunin ang pinagkakaingatang moralidad ng taumbayan, may pera man o wala.  

Balut Country (Paul Sta. Ana) Kamukha ni Zig Dulay, writer din na naging writer/director si Paul Sta. Ana. Hindi na surpresa sa akin na isang magandang “workshop” sa pagsusulat ang finished product ng “Balut Country”. Walang issue sa akin na preditable minsan ang pelikula, ‘wag lang sanang masyadong halata. Sa unang salang pa lang ng nabubuong conflict sa pagitan ng ManileƱo na si Rocco Nacino at ang katiwalang mawawalan ng bahay at hanapbuhay na si Ronnie Quizon, alam ko na kung saan ako dadalhin at hindi nga ito lumiko. Sagana ang planting dito, mula sa batong tumama sa salamin ng taxi hanggang sa dalawang beses na pagkahulog ng kontrata ng lote. At hindi masyadong nakatulong na ang atake ni Rocco rito ay walang masyadong makapitan, isang malaking contrast na parang ramdam mo ang bigat ng mundo sa atake ni Ronnie. Pero sa kabila ng payak at diretsong storytelling sa pelikula, gusto ko na pilit isiniksik ang proseso sa balut industry. Minsan ay masyado na itong obvious pero katibayan ito ng isa sa mga inaasahan mula sa isang manuulat, ang mag-research. Given na rin ‘yong irony sa pagitan ng pangingitlog ng itik bilang kabuhayan, ang issue ng bidang lalaki tungkol sa girlfriend na buntis na nagbunsod upang ibenta ang lupa at ang itik na nais kumawala sa kanyang shell bilang hudyat ng bagong simula para sa bida na nagkaroon ng direksyon ang buhay.  

Imbisibol (Lawrence Fajardo) Hindi ko napanood ang version ng dula para sa Virgin Labfest pero kahit kaunti ay hindi ko naramdaman sa pelikula ang pinag-ugatan nito. Halimbawa, sa unang eksena na na nagtatalo ang isang maybahay na Pinay na si Linda (Ces Quesada) at ang kanyang asawang hapon, nakatutok lang ang camera sa isang takure na sa dulo ay kumulo. Aninag ang dalawang karakter na nag-uusap sa likod pero nakatutok ang focus sa pagkulo. Maliban sa ilang huling minuto, static lang halos ang camera sa buong kwento ng mga undocumented na OFW sa Japan. Bihirang bihira na magpa-pan ito. Parang gustong ikulong ang mga karakter, gustong ipinid ang kanilang buhay, pag-ibig, pangarap at kabiguan. Sa sandaling naging dynamic ang camera, gusto rin nitong habulin ang nais tumakas at sundan ang bawat paghulagpos na parang daga na walang lunggang mapasukan at mapagtaguan. Dito pa lang sa aspetong binabantayan ng direktor ang kanyang camera work, bilang tagapagtawid din ng kwento, kuhang kuha na ako. Ang mga ganitong klase ng focus ay malamang kesa hindi na hinugot mula sa isang direktor na nasa kanyang trono at may kasiguraduhan sa kanyang vision sa materyal.

Hindi na rin naman bago ang mga play na tumatalakay sa mga OFW. Ang una kong naisip ay ang “Bayan-Bayanan” ni Bienvenido Noriega, Jr. na tungkol din sa mga konek-konek na tauhan. Ang pelikulang “American Adobo” (2001) ni Laurice Guillen ay nasa ganito ring kategorya. Ang iniangat lang ng “Imbisibol” ay hindi mayadong pilit ang pagkakabuhol ng mga tauhan dito. Ang “Mama San” (Ces Quesada) na nagpaparenta ng kuwarto sa mga Pinoy na walang papeles ay walang masyadong koneksyon maliban sa kanyang pagiging landlady. Sa dulo ay nalaman nating kaibigan pala s’ya ng matandang si Benjie (isang mahusay na pagganap mula kay Bernardo Bernardo) na may sariling hinagpis nang ma-deport ang kasintahang si Edward (Ricky Davao). Ang pinaglumaang hosto na si Manuel (Allen Dizon sa isa sa mga hindi malilimutang pagganap) ay namamalimos ng pagtanggap habang ang trabahador na si Rodel (JM de Guzman) ay tahimik na nangangarap ng isang maayos na buhay para sa anak na nasa Pilipinas. May sari-sariling running time (at moment) ang mga tauhan pero hindi ito nagmukhang manipulative, nagmamadali o masyadong nagpapaliwanag. Mas organic ang pagkakalatag sa kanila, dahilan upang madaling maabot ang kanilang mga pinaghuhugutan. Kahit hindi ako OFW, ramdam na ramdam ko ang bigat ng kanilang dinadala sa kabila ng lamig na dulot ng snow (na nagsilbing karakter din mismo sa buong pelikula). Sa kabila ng kalakihan ng hinihingi ng dula (maraming karakter, location shoot sa Hokkaido, Japan, at ang angkop na execution ng mga eksenang tahimik at maaksyon), merong mga mumunting bagay na hindi nito nakalimutan. Humihinga ang mga karakter dito, tumatawa, nagmamahal, nagpapahinga. Sa isang maliit na sequence, halimbawa, makikita ang suhestiyon ng pag-usbong ng pagtitinginan nina Rodel at ang Haponesa sa cafeteria. Makikita rin ang attempt na maghapi-hapi sa isang videoke bar para sa kaarawan ni Edward (kahit na wala ito). Ang isa sa mga Pinay na natulungan ni Linda ay nakuhang magbiro tungkol sa pagkakaroon ng maraming alyas.

Hindi ko alam kung deliberate ang pagkaka-cast ng mga aktor dito na halos lahat ay galing sa teatro mula kay Ces Quesada, Bernardo Bernardo, Ricky Davao hanggang kina Mailes Kanapi, JM de Guzman, Onyl Torres, JC Santos at Fred Lo. Maliban lang kay Allen Dizon na ironically ay nag-iisang merong “stage performance” sa pelikula.