Sunday, January 17, 2016

Ilang Tala sa mga Paborito Kong Short Film sa 2015


Paborito kong excuse ang “maling audience” kapag nanonood ako ng mga experimental film sa Pinas. Gusto ko ang mga pelikulang pinapag-isip ako pero hesitant ako kapag sobra-sobra naman akong pinapag-isip. Ganyan din ang barometro ko sa short film. Tingin ko, ang challenge eh makapagkwento sa pinakamaiksing panahon at maihatid ito na kasing solid ng isang feature length. Kaya hindi ako masyadong nahuhulog sa mga short film na masyadong abstract (o, siguro meron din dapat na kategoryang experimental para sa short film). Pakiramdam ko minsan, katamaran ito sa naratibo o sa pagsusulat ng script.


Heto ang sampung nagustuhan ko sa 2015:


1. Sanctissima (Kenneth Dagatan). Una akong nakuha nito nang dalawang beses pinalakpakan sa loob ng CCP Main Theater. Merong magic ang short film na ito upang makuha ang manonood. Siguro ay nakita rin nila ang nakita kong attention sa detalye ng pelikula. Masinop ang production design at naikalat ang terror sa limitadong running time nito.


2. Lisyun Qng Geografia (Petersen Vargas). Mahirap i-contest ang isang pelikula kapag masyado itong personal lalo na’t lahat ay dumaan sa unang heartbreak. Sa kaso ng short film, dumating ito nang maaga pero matagal na pinasan at ininda. Ang geography lessons sa title, most likely, ay ang lesson sa kabiguan na kailanman ay hindi matututunan. Memorable din ang performance ng dalawang lead dito na sina Earl Policarpio at Ross Pesigan.


3. Pusong Bato (Martika Escobar). Stylish ang short film pero inalagaan naman nito ang naratibo tungkol sa isang babaeng nangungulila at piniling magpatali sa kanyang nakaraan. Bravura ang art direction at sa buong pelikula ay ramdam ko ang retro na gusto nitong i-evoke. Parang pinapa-throwback din ang audience.


4. Wawa (Angelie Mae Macalanda). Vocal ako na hindi ko gusto ang short film na ito matapos mapanood. Kinakailangan lang namnamin kung ano ang gusto nitong tumbukin at iparanas para tuluyang ma-appreciate. Proseso ng pagdadalamhati ang core. Tungkol ito sa anak na namatayan ng ama. Ang facade n’ya ay emotionless kahit na ang katawan n’ya mismo ang bumigay (nakitang hinimatay ang bata sa isang bahagi). Saksi ang Wawa Dam sa bawat hakbang kabilang ang ilog na s’yang simbolo ng buhay.


5. Cold Sand (Noah del Rosario). Ang puso ng short film ay isang pagbasa ng liham mula sa iniwang anak na babae sa Germany para sa kanyang ama na nagkaroon ng bagong pamilya sa Pilipinas. Kung tutuusin, simplistic ang materyal na sinahugan ng mga imahe ng nature, ng paruparo, ng pag-apak sa buhangin at ng pag-alon ng dagat sa naapakang bahagi ng buhagin. Pero hindi ito nanahan dito. Marami s’yang gustong sabihin sa issue ng communication (snail mail versus email na argumento sa miscommunication), sa interracial family, sa sikolohikal na aspeto ng divorce at sa human nature.


6. Operation Prutas (Ara Chawdhury). May ilan na rin akong napanood na short film na isinali sa maliit na film festival para sa Sinulog. Kadalasan na kumbensyonal ito na tumatalakay sa himala ng “SeƱor” sa storytelling na melodramatic ang approach. Witty ang “Operation Prutas” na tungkol sa mag-asawang nais nakawin ang poon at pagkakitaan (hindi ko alam kung may statement ito tungkol sa kakarampot na proteksyon ang inilalaan para sa ating heritage). Kumbaga, nakalawa sa molde ang pelikula pero na-disect naman nito ang spirituality na gustong iangat.


7. Anatomiya ng Pag-ibig: Ding (Jewels Sison). Payak lang din ang tagpo sa short film na ito na kasali sa isang koleksyon mula sa iba’t ibang filmmaker. Tungkol ito sa dalawang magkasintahan na nagkita muli. Panibagong pagtingin ito sa nag-uumpugang tulak ng bibig at kabig ng dibdib at minsan, ayon sa pelikula, walang gustong sumuko at magpakita ng pagkatalo.


8. Reyna Christina (Pia Dimagiba). Isa sa mga paborito kong tema sa pelikula ang coming of age o ‘yong specific na trigger situation ng maturity ng isang bata. Naka-focus ang dilemma ng short film tungkol sa isang batang babae na nakatakdang maging sagala, isang visual na pagsasalarawan ng pagiging ganap nitong dalagita. Tingin ko, nakuha ng pelikula ang essential na pagbukas ng pakpak ng isang teenager at paglipad nito sa piling ng mga magulang.


9. Lapis (Maricel Cariaga). Medyo palasak na ‘yong statement nito tungkol sa nawawalang era ng hand-drawn animation kontra sa mga bagay na isinusubo sa atin ng technology. Malungkot ang tone tungkol sa decay at hindi nito binigyan ng pagkakataon ang computer graphics bilang isang alternatibo. Sa kabila n’yan, kahit na nagamit na, malungkot ang huling imahe nito na ang pintor (Soliman Cruz) ay tila nagtatanong kung barya na lang ba ang kanyang halaga.


10. Momento (Jan-Kyle Nieva). Wala na rin namang bagong ipinakita ang short film na ito sa Chavacano tungkol sa stand nito kung meron nga bang forever o wala. May mga bagay lang talaga na kahit paulit-ulit na ay masakit pa ring maulinigan. Ang matandang babae rito ay ayaw kumawala sa katotohanan na s’ya ay nag-iisa na. Bahagi ng kanyang denial ang malungkot na pagtabi sa kanyang asawa. Naalala kong bigla ang isang may-ari ng punerarya sa bayan namin nang mamatayan ito ng anak. Hindi n’ya muna ito ipinaembalsamo at pinalipas muna ang gabi na kasiping ang anak.

Saturday, January 09, 2016

Repleksyon sa Sampung Pelikula sa 2015 at ang Obligasyon na Gumalaw ang Blog Kahit Tinamaan ng Katamaran


Late na (mga October o November) nang tanggapin ko ang katotohanan na malamlam ang ganap sa Philippine Cinema ngayong 2015. Puwede rin namang aktibo talaga ito pero baka ako ang malamlam ang pagtanggap dito. Siguro, mas magaslaw lang ang mga pet peeve ko sa film appreciation ngayong taon kesa noong mga nakaraan. At nakakalungkot ang realization na ilan sa mga ito mismo ang future ng pelikula sa bansa.

Ang gusto ko talagang sabihin, sana may sindi ang 2016. Maikyat sana ng isa pang baytang ang diskurso pagdating sa pelikula. Nailatag na ng social media ang platform eh. Kailangan na lang talagang mas maging open-minded (clap, clap, clap, suntok sa hangin paitaas, “yes, powerful!”) sa pagsalo ng mga birada kung bakit nagustuhan o hindi nagustuhan ang isang pelikula. Tama na ‘yong pagiging dismissive. Tama na rin ‘yong mga pa-bitch na galawan. Kokonti lang ang mga film critic na may karapatang gumawa n’yan at ibigay na natin sa kanila ‘yan.

Personally, nakadagdag siguro ng lamlam na walang feature length sa Cinemalaya ngayong taon. Hindi naman sa sinasanto ko ‘yong festival pero ang ganda kasi na merong venue para mag-usap at makapagpalitan ng listahan. Hindi puwedeng itanggi na maraming ginto sa mga ganitong kalakaran. Hindi na rin naman masama na maraming umusbong: unang Sinag Maynila, ‘yong unang beses na nagkaroon ng line-up ng local film sa World Premieres Film Festival, ‘yong ikatlong taon ng QCinema (na may pabaon na catchy na teaser kasama si Benjamin Alves na nagre-raise the roof at ang diva halakhak ni Annicka Dolonius), ika-11 na Cinema One Originals, ang malamang kesa hindi na huling taon ng MMFF New Wave (bilang bago na ang pangulo sa 2016) at iba pa. ‘Yon nga lang, hindi nito magawang kasing bukas ang audience sa diskurso dahil wala itong bersyon ng CCP. May panandaliang pagkikita sa Robinsons Galleria para sa QCinema, halimbawa, pero hanggang doon na lang ito. 

Wala namang bago sa sampung pelikula na para sa akin ay nagsilbing glow-in-the-dark sa kalamlaman. Most likely ay kamukha na rin ito ng nasa listahan ng iba. Pero dahil gusto ko na ring pagalawin itong blog, heto:

1. Imbisibol (Lawrence Fajardo). Pinakamalaking naiambag siguro ng pagkagusto ko sa pelikula ay ‘yong fact na halos buong 2014 at unang quarter ko ng 2015 ay ginugol sa Japan para sa onsite assignment. Malaking bagay na marami akong nakasalubong doong Pinoy na nakikipagsabayan sa sayaw mula sa tugtog ng isang First World country. Isa sa mga nakilala ko roon sa loob ng isa o dalawang minuto ay walang ipinagkaiba sa mga karakter sa pelikula na nabubuhay nang patago. Ilang bloke rin mula sa opisina sa Nagoya ay ang red light district ng Sakae. Sa tuwing nagkakaroon ng craving sa Pinoy food, walang ibang magawa kundi sugurin ang baha ng nag-uumapaw na “entertainer” habang sinesegundahan ng mga manong na magbibitiw ng “Philippine bar! Philippine bar!” upang makarating sa isang restaurant na nagluluto ng adobo at leche flan. Noong nakita ko sa screen ang mga buhay na karakter sa “Imbisibol”, alam kong nakita ko na sila kung saan man. Pamilyar. Lalong lalo na ‘yong lungkot na kasabay nilang naglalakad sa panahon ng winter. Kung kaya lang talagang itago sa snow ang kanilang pasanin sa buhay at hindi ‘yong sisinghap-singhap na maghahanap ng butas na parang daga. Maliban d’yan, tingin ko, maaga ang maturity ng direktor na si Lawrence Fajardo. Nakita ko ‘yong kontrol n’ya sa materyal at ang disiplina ng camera work mula sa stagnant na mga shot hanggang sa dynamic na pagtalon upang makarating sa punto nito.

2. Mula sa Kung Ano ang Noon (Lav Diaz). Siyempre kailangan kong sabihin ang caveat na ngayong 2015 ko lang ito napanood sa hindi maipaliwanag na pagkakabuhol-buhol ng schedule. Pero tingin ko, sulit naman ang matagal na paghihintay. Ang una kong napansin matapos ang limang oras na running time, tumitibok na ang puso noong main character sa pelikula na isang maliit na community kahit na wala itong konsepto ng politics. Walang barangay tanod. Walang barangay captain. At parang wala ring mayor na bumibisita. Sabi ko, flaw ito bilang mabilis maramdaman ang local government officers sa mga probinsya. Pero nagkaroon lang ng punto ang lahat ng makita na natin ang kinahinatnan ng community matapos itong magkaroon ng mananakop. At dito bumukal ang pagmumuni. Puwedeng hindi ito tungkol lang sa Martial Law. Puwedeng tungkol ito sa pangkalahatang paggamit ng kapangyarihan sa abusadong pamamaraan, na ang ganitong ambisyon ay nakakasira at nakamamatay.

3. Honor Thy Father (Erik Matti). Tingin ko, burat na burat si Erik Matti sa mga naglipana nating poverty porn na madalas ay nagkakaroon pa ng spot sa world cinema. Kadalasan kasi na basta tungkol sa kahirapan, para lang maipakita ang sitwasyon at makasungkit ng malasakit, kinakailangang masukol ang bida na walang magawa kundi lumuhod, tumungo at hintayin ang pagputol sa ulo. Dito sa pelikula, inabandona n’ya ang suspense factor ng “OTJ” at piniling bagtasin ang slow burn na assessment sa kahirapan. Hindi ko naman nakita na disadvantage kung dragging s’ya pero ibang usapan na ‘yan. Ang nakita ko, palaban ang protagonist (John Lloyd Cruz sa kanyang pinakaimportanteng role) dito. Meron s’yang pagsuko sa sistema, sa struggle na kailangang kumita sa Pilipinas at sa nag-uumapaw na fanaticism sa relihiyon. Wala s’yang relihiyon, sa totoo lang. Kumbaga, pamilya lang ang kanyang sinasamba at pinoprotektahan. May mga suhestiyon din na para sa kanyang asawa at anak, kailangan n’yang talikuran ang kanyang nakaraan, ang kanyang sarili. Kung hindi pa man ‘yan sapat na pagsasalarawan ng debosyon, hindi ko na alam. At bago natin kalimutan, ang MMFF, kung saan kasali ang pelikula, ay inaasahang manganak ng mga obra na supposedly ay para sa pamilya o sa pagpapatibay ng mga values para sa pamilya. Sa kabilang banda, epitome rin ng pagkabayani ang protagonist bilang hindi nga ito basta nagpayurak. Sa halip, gumawa s’ya ng kanyang tirador upang labanan ang mga Goliath sa paligid.

4. Ari (Carlo Enciso Catu). Kahit na tungkol sa poetry ang pelikula, ang gusto nitong isigaw talaga ay tungkol sa kalagayan ng art appreciation sa bansa. Ito rin ang mahalagang statement na isa sa mga tinalakay ng “Portrait of the Artist as Filipino” ni Nick Joaquin. Sa isang argumento ng senador na si Don Perico, hindi raw simple ang buhay katulad ng sining. Kinokonsensya s’ya umano ng magkapatid na matandang dalaga na sina Candida at Paula dahil dating manunula ang senador. Ano raw ang nangyari at bakit nawala ito? May ganito ring pangongonsensya ang pelikula. Sabi ng haring poeta (sa isang raw performance mula kay Francisco Quinto) sa unang bahagi, hindi raw mag-uumpisa ang palabas hanggang wala s’ya. Pero ipinakita na halos idinagdag na lang ang parangal sa kanya dahil kailangan nang umalis ang guest speaker na mayor na malaki ang donation sa paaralan (suhestiyon ng isang imahe na inihatid ito sa van habang ginagawa ang building sa likuran). Nasa ganitong litanya ang mga sumunod pang mga statement scene: nabubuhay ang artist sa piling ng kanyang asawa at mga manok, wala itong marangyang bahay o gamit, ni wala itong sasakyan upang makarating sa bayan, ang kanyang obra ay hindi na katanggap-tanggap sa kabataan/daloy ng panahon at higit sa lahat, sa kabila ng kapayakan at nalulugmok na sitwasyon sa mga paningin ng mga manonood, hindi ipinakitang hindi kuntento ang artist. S’ya ay ganap na.  

5. Apocalypse Child (Mario Cornejo). Klaro naman sa pelikula na ang surfing dito eh hindi main ingredient kundi projection ng kung sino sa mga karakter ang pinakamahusay magbalanse sa alon ng buhay. Ang instructor (Sid Lucero) ba na hindi iniiwan ang dagat at patuloy na nakikibaka? Ang kanyang ina (Ana Abad Santos) ba na matagal nang iniwanan ang dagat pero markado ang husay nito bilang dating sikat na surfer? Ang isa bang dating surfer (RK Bagatsing) na piniling tumawid sa bakod ng politics bilang pagtatakip sa katotohanan na wala s’yang masyadong talent sa pagsakay sa alon? Ang dalawang bagong student ba (Annicka Dolonius at Gwen Zamora) na magkaibang lesson ang natutunan mula sa instructor? Ang lahat ng iyan ay pinagbuklod ng alon upang mabuo ang tagni-tagning kwento ng mga tao sa isang coastal town sa Norte. Madali lang maabot ang kanilang drama sa buhay at deliberate na light lang at natural ang kanilang batuhan ng linya.

6. Ruined Heart (Khavn dela Cruz). Ang huling impression na puwedeng ipabaon ng pelikula ay ang catchy na theme song nito na si Khavn mismo ang lumikha kasama si Bing Austria at The Flippin’ Soul Stompers. May mga claims na ang filmmaker ng pelikula ay mas mahusay na musical scorer kesa bilang filmmaker pero pinatunayan ng Ruined Heart na hindi ito totoo. Visual ang film para sa akin. Experimental din ito sa aspeto na tinanggal ang speaking lines at itinambak lahat sa pagkakadugtong ng imahe upang makapagkwento ng isang palasak nang kuwento tungkol sa isang puta at sa isang kriminal. Puwedeng i-contest na napanood na natin ang mga ganitong conflict at character-based na materyal pero ‘yon yata talaga ang punto. Gagapang at makakatayo ang pelikula kahit bawasan mo ito ng isang layer. Medyo iisa ang gustong gawin ni Khavn at ni Remton Zuasola sa Swap pero mas payak at kontrolado lang ang storyline dito.

7. Waves (Don Gerardo Frasco). Madaling ma-hypnotize sa beat ng editing nitong pelikula. Ang isang eksena, to be specific, ay parang kasing bilis lang ng pagdating ng alon sa pampang at pagbalik nito sa dagat. Sa puso ng interracial love story sa pagitan ng dalawang karakter (Baron Geisler at Ilona Struzik) ay isang millennial na molde. Impulsive. At walang prusisyon ng mahabang ligawan. Ang pag-ibig, kamukha ng argumento ng pelikulang “Kinsey” na tungkol sa isang sex therapist, ay hindi kailanman kayang i-articulate kamukha ng oras kung kelan ang high tide o low tide sa dagat. Sa kabila nito, wala namang nagsasabi na hindi puwedeng namnamin ang mga sandaling merong kahawak-kamay o kayakap. Seizing the moment, sabi nga. Pinasilip tayo sa buhay ng couple habang ito ay magkasama sa isang resort na parang paulit-ulit na nagpapalipas ng oras. Light lang ang treatment sa mga eksena kahit na merong mabigat na iniinda. Hindi rin cluttered ang pelikula ng kung anu-anong supporting character maliban sa resort owner (Pilar Pilapil). Sa kabila ng mga naglipanang rom-com at hugot films, isa itong sariwang hangin. Lumabas ako ng sinehan na para ring panandaliang pumunta sa tabing-dagat at nakipaglaro sa alon.

8. Heneral Luna (Jerrold Tarog). Ang malungkot sa pelikula, maliban sa punto nito na ang kalaban dapat natin ay ang ating sarili, ay ang naging epekto sa ilan na maging sukatan ng pananampalataya sa kaalaman ng Kolonyalismo. Parang kapag pinuri mo ang pelikula, hihilahin ka ng ilang kritiko paibaba na wala ka talagang alam sa sarili mong kasaysayan, na ang US ay hirangin dapat na isang madilim na ulap. Hindi ko lolokohin ang sarili ko na nakuha ako ng pelikula, partikular doon sa mga eksenang nagkakaroon ng sigalot hindi sa war zone kundi sa isang mahabang lamesa sa loob ng isang kuwarto na napapaligiran ng kapwa Pilipino. Maganda ang powerplay roon. Given na masyado pero bitter pill na tanggapin na nananatiling relevant ang ating hilahan ng sariling salawal. Mukhang tama ang isang French historian noong turn of the century na hindi raw natin kayang pamunuan ang sarili nating bansa. Na baka kinakailangan natin ng isang external entity para pamahalaan tayo. Kung merong isang maliit na butil na kakapulutan ng aral ang ‘sangkatutak na sumugod sa sinehan at nanood, tingin ko ay nagawa na ng pelikula ang pagkabayaning nais nitong iparamdam.

9. Dayang Asu (Bor Ocampo). Nag-uumapaw ang presensya ng regional cinema sa buong 2015 nang paigtingin lalo ang pagiging bukas ng mga local film festival kamukha ng Cinema One Originals sa mga kwentong hindi Tagalog o Manilenyo ang sensibilidad. Tinalakay ng Kapampangan film na ito ang malungkot na cycle ng kasamaan sa arena ng Philippine politics na nakalatag sa backdrop ng isang siyudad na tanggap ang pagkain ng karne ng aso. Kita ko ang sensibilidad ni Bing Lao sa mga karakter o maging sa turn of events. Hindi ito madaldal. Hindi nito ipinapaliwanag kung anong meron at kung para saan ito. Subtle ang paglalahad tungkol sa “pagkain” natin sa ating kapwa at tungkol sa mga bagay na idinidikta ng ating sariling dugo. Sa isang imahe, halimbawa, ipinakitang kinain din ng aso ang nilutong karne ng aso. At importanteng humihinga, nalilibugan at tumatawa ang mga tauhan, na ang masamang tirador ng mayor ay isang mabuting ama sa kanyang dalawang anak. Maaaring tanggapin ang pelikula sa maraming paraan. Puwedeng salamin ito sa abusadong gobyerno. Puwede rin namang tingnan ito bilang isang crime action-drama dahil pinakita naman na madali itong maabot. Pero gusto ko na tingnan ito bilang babala sa walang katapusang pagsugpo sa kasamaan, kamukha ng nililok na imahe ng aso na nakasakay sa isang buwaya.

10. Water Lemon (Lem Lorca). Kung ang “Imbisibol” ay tila antidote sa migration, ang pelikula namang ito ang thesis sa mga nais tumakas sa bayan. Sa gitna ng mga konek-konek na kwento ay isang Aspergian (Jun-Jun Quintana sa isa na namang surpresang pagganap) na walang makuhang pagtanggap dahil sa kanyang kalagayan. Maaaring mas matalino s’ya sa bayan o maaaring hindi n’ya kayang gampanan ang demand ng pagiging anak sa kanyang ina (Tessie Tomas) na hindi “makaalis” dahil sa hinagpis ng pagkawala ng asawa. Si Maritess (Alessandra de Rossi) ay may sarili ring ambisyon na makalabas ng bayan dahil may isyu ito sa sariling ina. Sa isang parte ay naalala ko ang kanyang dilemma sa "Mga Munting Tinig” na ginawa rin sa Quezon. Tungkol ito sa isang guro na naghihintay pakinggan ng kanyang ina. Ang nag-iisang karakter na wala namang planong umalis, si Lolo Ume (Lou Veloso), ay aksidenteng binawian ng buhay. Kung susumahin, isang hugis din nga naman ng pag-alis sa bayan ang kamatayan. At nakakalungkot itong isipin lalo na para sa isang katulad ko na lumaki at nagkamalay rin sa probinsya. Hindi perpekto ang pelikula pero mas marami naman itong inilatag para pag-isipan. Sa isang eksena, halimbawa, tahasang ipinakita ang pagsupsop sa kinakain na parang wala ka nang magagawa sa kalagayan mo kundi i-suck up ito.

***

Marami pa sana akong gustong isama. Natawa ako sa beat ng “Miss Bulalacao” (Ara Chawdhury) pero hindi ito matagal nanahan sa akin. Ewan ko ba sa mga Cebuano filmmakers at iisa yata ang aming kiliti. “An Kubo sa Kawayanan” (Alvin Yapan) ay maayos naman base sa mga hinihingi nitong poesiya pero siguro ay walang nasungkit sa akin. Tingin ko eh revolutionary ang “Manang Biring” (Carl Papa) bilang nagbukas ito ng maraming pinto para sa mga filmmaker at animator pero hindi ako masyadong nakuha ng script nito. Gusto ko rin ang articulation ng rom-com sa “#Walang Forever” (Dan Villegas) na binabasa nito ang genre na parang thesis at nang may magnifying glass sa kabilang kamay. Sa totoo lang, wala naman talagang forever dahil mortally eh paghihiwalayin ng kamatayan. Puwede ring bigyan ng Star Cinema Done Great award ang “All You Need is Pag-ibig” (Antoinette Jadaone) at “Ex with Benefits” (Gino M. Santos). Hindi na masama kung ganito kababaw basta nagawa naman nang may mataas na pagtingin sa teknikal na aspeto. May teaser din ang Star Cinema sa “A Second Chance” (Cathy Garcia-Molina) at “The Break-up Playlist” (Dan Villegas) na kaya nitong gumawa ng pelikula na hindi sobrang Star Cinematic. Parehong hindi perfect pero gusto ko ang direksyon na maaari nitong puntahan. At mukhang game naman ang audience dahil parehong kumita nang malaki. Gusto ko ring idagdag ang achievement sa costume design ni Joel Bilbao para sa “Felix Manalo” (Joel Lamangan) at “Dahling Nick” (Sari Dalena) dahil baka walang makapansin sa kanyang kontribusyon. Admittedly rin, gusto ko ang vision sa "Kapatiran" (Pepe Diokno) at "Anino sa Likod ng Buwan" (Jun Lana). 'Yon nga lang, may pakiramdam ako na natabunan ng direksyon ang kabuuhan ng pelikula mismo. Isang teaser ito mula sa dalawang direktor kapag sila ay ganap nang auteur.

***

P.S. Gumawa rin pala ako ng listahan ng tingin ko ay Top 10 Pinoy Films ng mga hipster:

1. Balikbayan # 1 Memories of Underdevelopment Redux III (Kidlat Tahimik)
2. Sleepless (Prime Cruz)
3. Manang Biring (Carl Papa)
4. Audio Perpetua (Ivy Baldoza)
5. Kapatiran (Pepe Diokno)
6. Anino sa Likod ng Buwan (Jun Lana)
7. An Kubo sa Kawayanan (Alvin Yapan)
8. Miss Bulalacao (Ara Chawdhury)
9. Waves (Don Gerardo Frasco)
10. Mga Rebeldeng May Kaso (Raymond Red)

I-copy/paste lang ang listahan na ‘yan at instant hipster na. Ang punto ko: wala naman masyado.