Sunday, January 17, 2016

Ilang Tala sa mga Paborito Kong Short Film sa 2015


Paborito kong excuse ang “maling audience” kapag nanonood ako ng mga experimental film sa Pinas. Gusto ko ang mga pelikulang pinapag-isip ako pero hesitant ako kapag sobra-sobra naman akong pinapag-isip. Ganyan din ang barometro ko sa short film. Tingin ko, ang challenge eh makapagkwento sa pinakamaiksing panahon at maihatid ito na kasing solid ng isang feature length. Kaya hindi ako masyadong nahuhulog sa mga short film na masyadong abstract (o, siguro meron din dapat na kategoryang experimental para sa short film). Pakiramdam ko minsan, katamaran ito sa naratibo o sa pagsusulat ng script.


Heto ang sampung nagustuhan ko sa 2015:


1. Sanctissima (Kenneth Dagatan). Una akong nakuha nito nang dalawang beses pinalakpakan sa loob ng CCP Main Theater. Merong magic ang short film na ito upang makuha ang manonood. Siguro ay nakita rin nila ang nakita kong attention sa detalye ng pelikula. Masinop ang production design at naikalat ang terror sa limitadong running time nito.


2. Lisyun Qng Geografia (Petersen Vargas). Mahirap i-contest ang isang pelikula kapag masyado itong personal lalo na’t lahat ay dumaan sa unang heartbreak. Sa kaso ng short film, dumating ito nang maaga pero matagal na pinasan at ininda. Ang geography lessons sa title, most likely, ay ang lesson sa kabiguan na kailanman ay hindi matututunan. Memorable din ang performance ng dalawang lead dito na sina Earl Policarpio at Ross Pesigan.


3. Pusong Bato (Martika Escobar). Stylish ang short film pero inalagaan naman nito ang naratibo tungkol sa isang babaeng nangungulila at piniling magpatali sa kanyang nakaraan. Bravura ang art direction at sa buong pelikula ay ramdam ko ang retro na gusto nitong i-evoke. Parang pinapa-throwback din ang audience.


4. Wawa (Angelie Mae Macalanda). Vocal ako na hindi ko gusto ang short film na ito matapos mapanood. Kinakailangan lang namnamin kung ano ang gusto nitong tumbukin at iparanas para tuluyang ma-appreciate. Proseso ng pagdadalamhati ang core. Tungkol ito sa anak na namatayan ng ama. Ang facade n’ya ay emotionless kahit na ang katawan n’ya mismo ang bumigay (nakitang hinimatay ang bata sa isang bahagi). Saksi ang Wawa Dam sa bawat hakbang kabilang ang ilog na s’yang simbolo ng buhay.


5. Cold Sand (Noah del Rosario). Ang puso ng short film ay isang pagbasa ng liham mula sa iniwang anak na babae sa Germany para sa kanyang ama na nagkaroon ng bagong pamilya sa Pilipinas. Kung tutuusin, simplistic ang materyal na sinahugan ng mga imahe ng nature, ng paruparo, ng pag-apak sa buhangin at ng pag-alon ng dagat sa naapakang bahagi ng buhagin. Pero hindi ito nanahan dito. Marami s’yang gustong sabihin sa issue ng communication (snail mail versus email na argumento sa miscommunication), sa interracial family, sa sikolohikal na aspeto ng divorce at sa human nature.


6. Operation Prutas (Ara Chawdhury). May ilan na rin akong napanood na short film na isinali sa maliit na film festival para sa Sinulog. Kadalasan na kumbensyonal ito na tumatalakay sa himala ng “Señor” sa storytelling na melodramatic ang approach. Witty ang “Operation Prutas” na tungkol sa mag-asawang nais nakawin ang poon at pagkakitaan (hindi ko alam kung may statement ito tungkol sa kakarampot na proteksyon ang inilalaan para sa ating heritage). Kumbaga, nakalawa sa molde ang pelikula pero na-disect naman nito ang spirituality na gustong iangat.


7. Anatomiya ng Pag-ibig: Ding (Jewels Sison). Payak lang din ang tagpo sa short film na ito na kasali sa isang koleksyon mula sa iba’t ibang filmmaker. Tungkol ito sa dalawang magkasintahan na nagkita muli. Panibagong pagtingin ito sa nag-uumpugang tulak ng bibig at kabig ng dibdib at minsan, ayon sa pelikula, walang gustong sumuko at magpakita ng pagkatalo.


8. Reyna Christina (Pia Dimagiba). Isa sa mga paborito kong tema sa pelikula ang coming of age o ‘yong specific na trigger situation ng maturity ng isang bata. Naka-focus ang dilemma ng short film tungkol sa isang batang babae na nakatakdang maging sagala, isang visual na pagsasalarawan ng pagiging ganap nitong dalagita. Tingin ko, nakuha ng pelikula ang essential na pagbukas ng pakpak ng isang teenager at paglipad nito sa piling ng mga magulang.


9. Lapis (Maricel Cariaga). Medyo palasak na ‘yong statement nito tungkol sa nawawalang era ng hand-drawn animation kontra sa mga bagay na isinusubo sa atin ng technology. Malungkot ang tone tungkol sa decay at hindi nito binigyan ng pagkakataon ang computer graphics bilang isang alternatibo. Sa kabila n’yan, kahit na nagamit na, malungkot ang huling imahe nito na ang pintor (Soliman Cruz) ay tila nagtatanong kung barya na lang ba ang kanyang halaga.


10. Momento (Jan-Kyle Nieva). Wala na rin namang bagong ipinakita ang short film na ito sa Chavacano tungkol sa stand nito kung meron nga bang forever o wala. May mga bagay lang talaga na kahit paulit-ulit na ay masakit pa ring maulinigan. Ang matandang babae rito ay ayaw kumawala sa katotohanan na s’ya ay nag-iisa na. Bahagi ng kanyang denial ang malungkot na pagtabi sa kanyang asawa. Naalala kong bigla ang isang may-ari ng punerarya sa bayan namin nang mamatayan ito ng anak. Hindi n’ya muna ito ipinaembalsamo at pinalipas muna ang gabi na kasiping ang anak.

No comments:

Post a Comment